Paano mo ilalawaran sa isang bata ang Pasko?
Column: Sigwasan ng Buhay
Ni Mary Grace Marteja
Maaari nating sabihing ito ang isa sa pinakamakukulay na pagdiriwang sa buong taon, maliban sa mga pista. Ito ang panahon kung kailan araw-araw kinukuyog ng mga tao ang mga malls at ibang pamilihan para makapamili ng iba’t ibang pandekorasyon sa bahay. Pinakasikat na dito ang Christmas tree na karaniwang sinasamahan pa ng kung anu-anong pansabit. Tila ba kalbo ang naturang puno kung wala ang mga palamuting yaon; may kumikinang na mga bilog, hugis-estrelya, at parihabang kinaluluguran ng mga nakamamalas nito. Hindi rin mawawala ang mga parol at Christmas lights na nagbibigay-kulay sa mga bahay tuwing gabi.
Maaari rin nating ilarawan ang mga gabi sa tuwing Pasko. Nagsisilipana ang mga batang nangangaroling ng mga pamilyar na pamaskong awitin. Gamit ang mga tansan, lata at patpat, nakalilikha ang mga bata ng kanilang tugtugin. Sa panahon nga ngayon ay may mga dala ng gitara ang ilang nangangaroling. Mayroon ding pare-pareho pa ng damit upang mas maging presentable sa paningin ng iba. Minsan ay sinasamahan pa iyon ng kaunting indayog ng balakang at pitik ng mga daliri. Karaniwang pera ang ibinibigay ng mga taong-bahay na kanilang naaabutan.
Isa pang hindi mawawala sa ating kultura ang kabi-kabilang mga Christmas party, sa paaralan man o sa opisina. Punong-puno ng kasiyahan ang ganitong okasyon. Kabilang na rin sa ating tradisyon ang pagbaha ng mga regalo – laruan, damit, sapatos, bag at kung anu-ano pang abubot na panregalo. Magastos man ay tila hindi na iyon alintana ng mga Pilipino. Ang mas mahalaga’y makapagpasaya ng kapwa at maging masaya na rin.
Sa madaling araw naman, gising na agad ang mga tao upang dumalo sa misa de gallo o simbang gabi. Maaari rin namang magsimba sa gabi ngunit mas maraming mga tao ang pinipiling magsimba sa madaling araw. Isang motibasyon para gumising ng maaga ay ang paniniwalang kapag nakumpleto mo raw ang siyam na simbang gabi ay maaaring matupad ang iyong pinakahihiling. Pagkatapos ng misa, samu’t saring kakanin ang nakabalandra sa harap ng simbahan. Pinakauso rito ang kulay-ubeng puto bumbong at dilaw na bibingka bagaman hindi rin naman patatalo ang suman at matamis na taho.
Sa bisperas naman ng Pasko tiyak na abala sina ate, nanay at lola sa kusina para sa noche buena. Para silang mga mahikera na sa bawat kumpas ng kampay ay magkakaroon ng milagro sa iyong harapan…mga masasarap ng pagkain! Hindi mo aakalaing ang mga walang kabuhay-buhay na sangkap mula sa palengke na minsan pa’y may masangsang na amoy ay mapagbabagong-anyo nila at magiging malinamnam na mga putahe. Amoy pa lang ng mga iyon ay tiyak na maglalaway ka na at agarang kakalam ang iyong sikmura. Anupa’t ‘pag iyong napagmasdan na ang mga nakahain, tiyak na hihilingin mong sana ay Pasko na lamang araw-araw. Nadadagdagan pa ang sarap ng salu-salong ito kung kumpleto ang buong pamilya.
At pagsapit ng mismong araw ng Pasko, magsisimba ang buong pamilya at magpapasalamat sa biyaya ng kanilang tinamasa ngayong taon at tatamasahin pa sa hinaharap. Pagkatapos ng misa, karaniwan na sa mga Pilipino ang magpunta sa bahay ng mga ninong at ninang, na tila inaasahan na ang pagdagsa ng kanilang mga bisita sapagkat mayroon tiyak na ihahaing minandal at ibibigay ng pamaskong-regalo o salapi sa mga batang tuwang-tuwa.
Sa kabila ng masayang pagdiriwang na ito, masasabing ang mga bata ang mga magiliw na saksi sa kagandahan ng Pasko. Sila ang karaniwang sabik para dito—dumako pa lamang sa kanilang isipan ang imahe ni Santa Claus at ang sako-sakong mga regalong dala nito ay tila abot na sa kanilang tainga ang kanilang mga ngiti. Bakas sa kanilang mga mata ang isang uri ng ningning na nagpapahiwatig ng busilak na kaligayahan—lalo na kung nakakatanggap na sila ng mga regalo mula sa kanilang mga magulang at mga kaibigan. Hindi nakapagtatakang sa tuwing palapit ang Pasko’y wala nang ibang bukambibig ang mga kabataan kundi ang Christmas party na kanilang dadaluhan, mga regalong kanilang ibibigay at ang mga aginaldo na matatanggap sa kanilang mga ninong at ninang.
Kung tutuusin, ating masasabi na kasing-ningning ng mga Christmas lights at kasing-garbo ng isang Christmas tree ang imaheng pumapaimbulot sa isipan ng isang bata sa tuwing naririnig niya ang salitang “Pasko”. At minsang tayo’y naging mga bata’y naramdaman rin natin ang kasabikang ito.
Ngunit, isang tanong ang dumadako sa ating mga isipan.
Puro ningning at kagandahan lamang ba ang nagbibigay-kulay sa Pasko? Ano nga ba ang tunay na diwa ng Pasko?
Ngunit hindi rin dapat natin kalimutang ipabatid sa isang bata na hindi lahat ng tao ay may kakayahang bumili ng Christmas tree o kahit simpleng parol man lamang. Hindi rin lahat ay nangangaroling dahil lamang gusto nila ngunit dahil kailangan nilang kumita ng kahit kaunting barya. Hindi rin lahat ay nakapupunta sa mga Christmas parties at nakasasali sa palitan ng mga regalo sapagkat kailangan nilang maghigpit ng sinturon kahit kapaskuhan. Lalong hindi lahat ng kahilingan ay matutupad nang dahil lamang sa nakumpleto mo ang siyam na simbang gabi. May mga tao ring hindi pa nakararanas makatikim ng noche buena sa buong buhay nila o kung may nakahain man sa hapag na ubod ng sasarap, hindi naman buo ang kanilang pamilya.
Higit sa lahat, dapat malaman ng bata na ang Pasko ay ang araw ng ating paggunita sa pagsilang at pagsasakripisyo ni Hesus upang mailigtas ang sanlibutan mula sa kanilang mga kasalanan. Hindi lamang sa mga bagay na nabibili ng salapi umiikot ang tunay na kahulugan ng Pasko. Walang tutumbas na kulay, kinang, kasiyahan at kainan sa araw na ito kung hindi rin lamang isasapuso ng mga tao ang pagpapasalamat sa Maykapal, pagbibigayan, pag-unawa at pagkalinga sa isa’t isa.
1 Comments:
terima kasih
Post a Comment