Powered by Blogger.

Wikang Filipino: Ating Diwa


“Anong lahi kayo sa kinabukasan? Isang bayang walang kaluluwa, isang bayang walang kalayaan na , lahat nang bagay ay hiram ultimong kasalanan at kabiguan?”


       —Simoun, tauhan sa nobelang gawa ni Jose Rizal na El Filibuterismo
 



Ano ba ang nagbibigay sa bansa ng kanyang kaluluwa? Maraming bagay ang maaaring magbigay-buhay sa isang bansa: ang kalayaan, kadakilaan ng mga mamamayan, kultura at mga tradisyon. Ngunit ang maituturing na pinakamahalaga sa mga ito ay ang pagkakaroon ng isang wikang pambansa. 


 Ang wikang pambansa ang siyang bumubuo sa ating pagka-Pilipino. Ito ang tatak ng ating lahi at ang simbolo ng ating pagkakabuklud-buklod. Ito ang nagsisilbing tanda ng ating pag-ibig sa sariling bayan—ang natatanging kayamanan na matatawag na atin lamang. 


Hindi lingid sa atin na ang Pilipinas ay binubuo ng humigit kumulang na 7,100 mga pulo, na pinaninirahan ng milyung-milyong Pilipinong gumagamit ng 87 na iba’t ibang dayalekto. Bukod pa rito ay sinakop din ang ating bansa ng mga dayuhang Kastila, Amerikano at Hapon. Kaya naman, kung pagbabatayan ang kasaysayan ng ating bansa, hindi madali ang naging proseso ng pagsusuri kung aling wika ang siyang hihiranging wikang pambansa. 



Sa bawat pagkakataong tayo’y nangailangan ng wikang maitututuring ng lahat bilang pambansang wika, gaya ng pagbubuo ng iba’t iba nating mga saligang batas, marami ang naging mungkahi hinggil sa pagpili ng dayalektong itatakda bilang wikang pambansa. Napabilang sa mga mungkahing ito ang kaisipang maaaring itakdang pambansang wika ang Espanyol, lalo na noong bagong-laya ang Pilipinas mula sa mga Kastila noong 1898. Ito ay sapagkat matagal na rin itong gamit bilang wika sa Pilipinas. Noong panahon ng pananakop ng Amerika, naimungkahi ang Ingles na siya namang itakda bilang wikang pambansa dahil sa ito ang naging wikang gamit sa pakikipagtalastasan ukol sa ekonomiya at pulitika. Bukod sa dalawang wikang ito, marami pang ibang katutubong wika mula sa iba’t ibang rehiyon ng bansa ang sinuri upang tanghaling wikang pambansa. Ayon kay Ginoong Virgilio Almario, mula sa kanyang sanaysay na Bakit Kailangan ng Filipino ang Filipino?:



            Ito’y dahil sa higit na nanaig sa kanila ang paniniwala na higit tayong magkakaisa bilang isang bansa at makakapagsarili sa politika at ekonomiya kung isang wikang katutubo sa atin ang ating wikang pambansa. Ang paniniwalang ito ay bahagi ng matinding nasyonalismo na dulot ng nakaraang Himagsikang Filipino at maalab na maalab pa noon sa puso ng mga lider at naging delegado sa kumbensiyong pansaligang-batas.

Noong ika-13 ng Setyembre 1936, sa bisa ng Batas Komonwelt Blg. 184 ay naitatag ang Surian ng Wikang Pambansa. Ang mga kinatawan ng suriang ito ay mula sa iba’t ibang dako ng Pilipinas. Matapos ang pagsusuri sa iba’t ibang wikang ginagamit ng bansa, nanaig ang wikang katutubong Tagalog, sapagkat: 1) ito ang gamit na wika sa Maynila na siyang sentro ng pamahalaan at kalakalan; 2) nagtataglay ang Tagalog ng pinakamayamang talasalitaan at panitikan; 3) madali itong mapag-aralan at maintindihan; 4) pinakalaganap ang paggamit ng dayalektong ito sa buong kapuluan.


Ayon kay Dr. Pamela Contantino, isang mananaliksik, sa artikulo niyang Tagalog Pilipino/Filipino: Do they Differ?, sa bisa ng Executive Order No. 134 na nilagdaan ni Pangulong Quezon noong ika-30 ng Disyembre 1937, ay kinilala ang Tagalog bilang basehan ng pagbubuo ng Wikang Pambansa. Idinagdag niya na mula sa taong 1940 ay hango na sa wikang Tagalog ang wikang gamit sa mga pampubliko at pribadong paaralan. Ngunit nabago ito nang itakda ang Saligang Batas ng 1987, na kung saan Filipino na ang siyang nakasaad bilang wikang pambansa. Maaaring maituring ito na kabuuan ng ebolusyon ng wikang Tagalog: mula sa pagiging dayalekto lamang ng isang pangkat etniko hanggang sa pagiging wikang pangkalahatan ng bansa.


Samakatuwid, ilang siglo ang ating binilang upang magkaroon lamang ng iisang wikang bibigkis sa ating lahi. Marubdob na pagsusuri at paghahanap ang isinigawa ng ating mga mananaliksik at mga dalubhasa upang makamit ang wikang matatawag nating atin. Ngayon, masasabi na nating natagpuan na natin ang “kaluluwang” bubuhay muli sa ating Inang Bayan. Ngunit, bakit kung kailan natagpuan na natin ang matagal na hinahanap ay ngayon pa natin ibabaon sa limot ang kahalagahan ng pagkakaroon ng isang wikang pambansa?


  Kung ang pagbabatayan ay ang kasalukuyang panahon, nakalulungkot na isiping kakaunti lamang ang nagpupugay sa wikang pambansa. Kung papasok ka sa mga silid-aralan, maririnig palagi na tampulan ng mga kutsa ang mga mag-aaral na hirap mag-Ingles, kahit pa marurunong sila sa wikang Filipino. Tumatatak kasi sa isipan ng marami na kung hindi ka marunong magsalita ng Ingles ay mahirap ka at mababa ang iyong pinag-aralan. Kung ating iisiping mabuti, hindi ba’t dapat mas mahalin pa natin ang mga kababayan na bagamat hindi mahusay mag-Ingles ay mahusay naman sa pagbigkas ng ating sariling wika?


Maliban sa higit na pagtangkilik ng maraming Pilipino sa wikang Ingles kaysa sa wikang Filipino, ay mayroon pang ibang mga usapin kung saan ay pinagtatalunan ng maraming mga kritiko ang wikang Filipino. Ito na rin ay ayon kay Virgilio Almario sa kanyang sanaysay na Bakit Kailangan ng Filipino ang Filipino?. Dito ay inilahad niya ang ilan sa mga dahilan kung bakit maraming tumutuligsa sa wikang Filipino. 


·        Unang pagtutol: Tagalog lamang ang Filipino. Bagama’t matagal nang nasagot ang isyung ito, para sa ikalilinaw ng marami, ang Tagalog at Filipino ay hindi iisa. Batay sa mga sulatin ni Dr. Pamela Constantino, ang wikang katutubong Tagalog ay iba sa Filipino, pagkat ang wikang Filipino ay ang kabuuang bunga ng ebolusyon ng wikang Tagalog kasama ang pagbabago dulot ng impluwensya ng wikang Kastila at Ingles.


·        Ikalawang pagtutol: Maituturing na mas mababang uri ng wika ang Filipino sa Ingles. Ito’y kaugnay na rin ng paggamit ng nasabing dayuhang wika sa mataas na antas ng pag-aaral, gaya ng agham at matematika. Ngunit kung tutuusin, pantay-pantay naman ang lahat ng wika. Nakasalalay lamang ito sa tao kung paano niya ito ipagbubunyi sa pamamagitan ng paggamit nito sa pakikipagtalastasan. 


Dagdag pa ni Almario, bagama’t sa dalawang aspeto lamang umiikot ang pagtutol ng mga kritiko, nagsisimula na rin gamitin ang “globalisasyon” bilang sangkalan upang ipagdiinan na ang Ingles ay makatutulong sa atin upang tayo’y maging “globally competitive”. Sabi pa nga ng iba, maaari ka namang maging makabayan kahit hindi ka madalas magsalita ng Filipino. Sa madaling sabi, mas mainam na maging magaling ka sa Ingles dahil makakatulong ito sa iyo kapag ika’y maghahanap-buhay sa ibang bansa. Higit nga namang magiging kapaki-pakinabang ang Pilipino kung siya’y makapagdadala ng limpak-limpak na salaping maaaring maging pambayad-utang ng Pilipinas.


Nakadudurog ng puso na makita ang ganitong sitwasyon. Kung sa bagay, hindi natin masisisi ang marami sa ating mga kababayang naghahangad lamang na mapaganda ang buhay ng kanilang mga pamilya. Hindi rin naman lingid sa atin ang mga kakulangan at kahingian ng ating ekonomiyang baon sa utang at kulang sa oportunidad. Ngunit hindi magandang ikatwiran  ang pagkalimot sa wikang naging bunga ng ating masalimuot na kasaysayan. Maaaring ang pagkatuto ng Ingles o kahit ano pa mang wika ang siyang makapag-aaangat ng ating karunungan, ngunit bakit kailangan pang ibaon sa limot ang wikang bumuklod sa ating lahat?


Wika nga ni Dr. Isidro Dyan, isang dalubhasa sa wika:

 Malaking kahihiyan para sa bansa kapag mayroong ginagamit na wikang dayuhan subalit di nag-aangkin ng sariling wikang pambansa. Kailangang magkaroon ng wikang pambansa upang malinang ang pambansang paggalang at pagkilala sa sarili.”

Huwag sana nating kalimutan ang matagal na pinagdaanan ng ating bansa mahanap lamang natin ang wikang magbubuklod sa atin. Mahalin at pagyamanin ang pambansang wika. Ating ipagmalaki ang wikang bumigkis sa ating lahi at nagbigay-diwa sa ating bayan: ang  wikang Filipino. 


By: UST Nursing Journal, Filed under Filipino





0 Comments:

Post a Comment

About This Blog

Blog Archive

  © Blogger template Webnolia by Ourblogtemplates.com 2009

Back to TOP