NATUTULOG BA ANG DIYOS
Pinggan sa mesa’y walang laman
Palayok ay hangin ang palaman
Namimilipit na tiyan ay kumakalam
Ulirat ay windang, isip walang alam
Mga batang-kalye’y kay dami
Aborsyon ay uso sa nakararami
Pakikiapid inilalantad nang walang kimi
Pangungurakot niyayakap kahit marumi
Mga bulaang mangangaral ay nagsusulputan
Aral ni Kristo’y binabaluktot at pinapalitan
Salapi’t kapangyarihan ay dinidiyos ng sanlibutan
Budhi ng tao’y nalusaw kaya walang kinakatakutan
Mundo’y gulapay na sa hirap at dusa
Giyera, salot, sakit, sakuna’y parusa?
Tao’y tuliro’t naghahanap ng pag-asa
Sa droga, krimen at karahasan ay namimihasa
Pagkakanya-kanya ang batas ng buhay
Mamatay ang mahina, matira ang matibay
Mayaman ay binubuhay, dukha’y binibitay
Hustisya’y laruang sa putik sininsay
Sabi sa Bibliya, Diyos ay makapangyarihang lubos
Walang pangyayaring di Niya natatalos
Bakit tahimik Siya’t di kumikilos
Natutulog ba ang Dakilang Diyos?
By: ECH, Filed under Literary and Filipino
0 Comments:
Post a Comment