PARI… PARE
(Para sa mga paring naliligaw ng landas sa TAON ng mga PARI)
Ikaw ay tinawag na pari
Alagad ni Kristong Hari
Yaman mo’y malinis na puri
Kaloobang busilak ay ibang uri
Tagapag-akay sa tamang landas
Tagapayong nagbibigay ng lunas
Tagapayapa ng kaluluwang nag-aaklas
Tagapamagitan ng yumaong nagkawas
Presensya mo’y kailangan sa daigdig
Ipakita si Kristo sa sangkatauhang ligalig
Homilya mo’y tinig ng Diyos sa nakikinig
Pumapatid ng uhaw gaya ng malamig na tubig
Pagkahubad ng alba matapos ang misa
Lalabas ng simbahan, sa tao’y makikiisa
Pagbabagong-anyo’y nagaganap nang kusa
Ito ba’y magandang himala o isang parusa?
Ika’y paring tinatawag ngayong pare
Madalas sa pagtitipon ng mga pare
Kamunduha’y niyakap na parang tore
Nilimot ang panatang mabuhay na pobre
Tuwina’y lasing at pilit sa pananalangin
Walang alab sa pagmimisa’t mga gawain
Takbo ng isip ay malabo’t laging bugnutin
Hanap ay ligaya’t krus (ay) ayaw pasanin
Pagbabalatkayo’y ginawang isang libangan
Masayang umaakay ng parokyano sa kahibangan
Si Kristo’y ginagawang kasangkapan at tuntungan
Nang sariling layon ay maangkin sa kandungan
Anong angkop na pangalan ang babagay
Na marapat sa iyo’y itawag at ibigay?
Paring sugo’t kinatawan ng Diyos na buhay
O pareng binyagan sa alak at sumusuray?
By:ECH, Filed Filipino and Literary
0 Comments:
Post a Comment