SA PUSANG TINISTIS SA LABORATORYO
Ikaw ang dakilang handog sa hapag ng siyensya
Siyam na buhay mo’y binawasan ng isa
Pagpapakasakit mo’y dunong ng mga dalubhasa
Kapalaran mo’y wala sa iyong pagpapasya
Nakatanghal ang katawan mong pinatigas
Sinusuyod ng talim ang balat at laman
Pababanguhan ng pormalin nang di maagnas
Pangangalanan bawat bahagi ng iyong kabuuan
Isa kang magandang laruan sa laboratoryo
Pinagpapasa-pasahan habang pinaglalamayan
Tusok ng mga karayom masakit na sakripisyo
‘Di ka makasigaw sa hirap na nagsasalimbayan
‘Di na mabilang pa ang iyong pinadunong
Nakarinig ka ba ng pasasalamat na taos?
Itatapon ka ng walang kabaong
Turing sa iyo’y hayop na busabos
Sana’y batid nila ang tunay mong halaga
‘Di ka lang hayop na pagala-gala
Sindak ka ng mga daga sa lungga
Tapat at maamong bantay sa nagpapala
Anong hiwaga ang taglay mo sa tuwina
Obra ka ng Lumikhang ‘di matarok ang kalooban
Katawan mo’y templo ng gandang kahali-halina
Sisidlan ng misteryong mailap maunawaan
By: EMI, Filed under Filipino and Literary
0 Comments:
Post a Comment