Powered by Blogger.

MAGKATABI

Ni Pillow

“Uy,” mabagal akong lumingon sa nagsalita. Ah, oo. Si Jason nga.
“O?” Ganyan na naman ang mukha niya. Mukhang clueless.
“Tahimik mo,” sagot niya sabay kunot ng kanyang noo. “Okay ka lang ba?”
“Oo.” Gano’n lang. Isang tanong, isang sagot. Pinanood ko siyang lumingon muli sa nilalaro nilang computer game. Wala pa kasi ang aming propesor kaya nagsilabasan ang mga laptop at iPod ng mga tao. At kasama si Jason sa mga nakatutok sa laptop.
“Girl,” lumapit si Bettina, “gusto mo ba ako samahan mag-shopping? Girl, wala pa akong regalo para sa mga tao!”
“Late kasi matatapos ang klase natin. Tapos, may miting pa sa org. Bukas na lang kaya?”
“Girl, I’m FULLY BOOKED.” Nakakatuwa talaga kapag pumipilantik ang mga daliri ni Bettina. Baklang babae, kumbaga. “Wala na akong time!”
“Kung sa bagay, exams na next week….”
“Hindi pa ako nag-aaral, girl. I need all the time in the world!”
“Haha! Sira ka talaga. Sige na nga. Wala rin naman akong gagawin mamaya.”
Tumingin nang bahagya si Bettina sa direksyon ni Jason.
“Wala kayong date?”
Kasama ‘nun ang isang ngiting kinikilig kahit isang taon na ang nakaraan nang maging kami ni Jason.
“Sus, wala. ‘Kaw talaga.”
Wala naman talaga. Hindi mahilig si Jason sa dinner dates o sa panonood ng sine. Napaisip tuloy ako kung ano ba ang hilig niya. At lalo pa akong napaisip kung bakit hindi ko alam ang mga hilig niyang gawin namin.
“Pero girl, late na. Divisoria tayo. Parang hindi safe without a guy. Yayain mo na lang.”
“Kaya na natin ‘yan. May kasama man tayong lalaki o wala, hindi pa rin talaga tayo ligtas.”
“Kahit taga-buhat?” Ngumiti ang loka. Ito talaga.
“Hay naku, Maria Bettina Francisco.” Sumimangot na ako upang ipahiwatig na iyon na ang aking pasya.
Siguro mula ‘nung naglakad kami sa Divisoria hanggang sa mga panahong naluluha na ang mga tindera sa katatawad ng magaling kong kaibigang si Bettina, nakapagtataka dahil panay ang tanong at utos niya sa akin. Pulos na lang “tawagan mo na kasi”, “magparinig ka na’t mabigat ang dala natin”, “hindi safe, girl” at “bakit ba ayaw mong papuntahin si Jason?”
Sa totoo lang, ang huli niyang tanong ang pinakamahirap sagutin. Hindi ko masabi sa kanya na may panahong nag-text ako kay Jason dahil sobrang bigat ng dala ko, at nag-reply lang siya para sabihin kung saang room kami. Naroon na raw siya kaya hindi na niya ako mapupuntahan. Hindi ko maikwento na sa tuwing nagpapasama siya kung saan-saan ay handa akong samahan siya. Ngunit kapag ako naman ang nagyayayang maglakwatsa, madalas niyang sinasabi na nakakapagod raw, kahit isang jeep lang ang sasakyan namin. At marami pang mga bagay na hindi ko masabi sa kanya. Hindi na lamang ako nagsalita. Wala rin namang mangyayari.
Noong nakasakay na kami ni Bettina sa jeep ay napaisip ako ng malalim sa kabila ng pagod na bumabalot sa aking mga paa.
Ano na nga ba ang nangyari sa amin ni Jason?
Noong una kilig na kilig pa ako dahil nakikita ko talaga ang pagkalinga niya. Marunong siyang magbukas ng pinto para sa babae at marunong maghatid lalo na kung madilim na ang gabi. Pero sa paglipas ng panahon, napansin ko na parang ako na lamang ang gumagalaw at nagbibigay. Kung anong hiling niya’y siya namang bigay ko, kahit gaano kahirap. Lahat na lamang ay para sa kasiyahan niya. Hindi na niya magawang maglaan ng panahon at pagkalinga para sa iba. Nawawala na ako sa mundo niya.
Sa huli, nakaraos kaming dalawa ni Bettina, sa pamimili maging sa mga akademikong pagsusulit. Lumipas ang panahon at sa isang iglap, dumating na ang pinakahihintay na Christmas Party.
Noong naroon na kami sa handaan ay tuwang-tuwa ako. Lahat nagkukuhanan ng litrato at nagtatawanan. May nagbubulungan kung sino ang nabunot ng bawat isa para sa exchange gift. Mayroon ding nasa kusina at kunwaring nanonood lang sa nangyayari roon samantalang inilulublob na ang daliri sa carbonara sauce. Nakilaro naman ako ng Wii kasama si Bettina.
Bumukas ang pinto.
Pumasok ang isang pamilyar na mukha. At napainom na lang ako mula sa aking basong puno ng juice.
“Hon,” pumalibot sa aking baywang ang kanyang braso, “kanina ka pa?”
“Oo, kasabay ko sina Bettina.”
Umurong ako para maabot ang isang baso at tamang-tama lang dahil napabitaw siya.
“Gusto mo ng juice?”
Umiling siya at bago pa siya makapagsalitang muli ay may tumawag sa amin para lumingon sa isang bagong-bagong DSLR. May mga nagparinig ng “class couple” at “kiss naman”.
Konting dikit ng katawan. Nakahilig ang ulo sa may balikat ng lalaki. Nakahawak ang kamay sa brasong nakapaikot sa baywang. Nakangiti na parang bagong kasal.
At naulit ang mga pagkakataong ganito.
Pose. Click. Pose. Click. Pose. Click.
Ako ang pinakamasayang girlfriend sa buong mundo.
Sa bawat dikit ko kay Jason at sa bawat tukso ng aming mga kaklase ay lalong sumasakit at nangangawit ang mga pisngi ko. Sa bawat pagtawa ko nang marahan at pagpalo ko sa mga braso ng mga kaibigan ko kapag binabanggit nila kung gaano kami ka-sweet, parang mga punong tubong nag-uunahang umapaw ang aking mga luha.
“Guys, exchange gifts na!” sigaw ng aming presidente.
Magkatabi na naman kami ni Jason. Magkadikit ang mga hita at minsa’y nagtatama ang aming mga braso. Lahat ay nagsasabihan ng “Merry Christmas!” sa isa’t isa.
Nakakatawa. Sa gulo ng aking paligid, hindi ko magawang ngumiti. Hindi ko magawang ibigay ang relong gustong-gusto niya. Ilang linggo bago ang party, hindi ako makapaghintay na ibigay ang regalo ko. Alam kong matutuwa si Jason. Pero totoo pala ang mga sinasabi nila. Hindi mo kayang ibigay ang wala ka.
Tumingin sa akin si Bettina at kumindat pa. Nginuso niya ang kahon na nasa kamay ko. Ngumiti ako at tumingin kay Jason.
Pero sa bawat pagkakataong lumilingon ako sa kanya ay nakikita kong wala na ako sa mundo niya. Maaalala lang niya ako muli kapag mayroon na akong maihahandog sa kanya.
Tapos na kasi ang mga camera. Tapos na ang mga tuksuhan.
Halos lahat ay nakatayo na at sumasayaw nang biglang tumugtog ang kanta ni Lady Gaga.
Nawala sa aking paningin si Bettina at nagsimula akong mahilo sa mga nagsisigalawang katawan na aking nakikita. Nakadagdag pa rito ang mga nagkikislapang dekorasyong pang-Pasko.
Ang usok, ang hiyawan, ang sayawan… parang lahat na ay nakapaligid sa akin…parang masyado silang malapit...para akong naiipit sa isang maliit na kahon na ang kasama ko lamang ay si Jason.
Lumalapit. Sumisikip. Naiwan kaming magkatabi.
Hindi ko na rin siya maramdaman sa huli.

0 Comments:

Post a Comment

About This Blog

Blog Archive

  © Blogger template Webnolia by Ourblogtemplates.com 2009

Back to TOP