PAG-IISA
ni EMI
May pangil ang pag-iisa.
Kapag bumaon sa kaibuturan
ng kamalayan, walang patawad
na sumisipsip ng lakas; walang
awang pumupugto ng hininga;
walang galang na pumipiga ng
damdamin; walang pitagang
naglalantad ng nagnanaknak
na sugat ng kaluluwa.
Mapag-ampon ang pag-iisa.
Mapagkandili sa sinomang
naghahanap ng katahimikang
bumabasag ng katinuan at
nagpapasuso ng di madamulat
na kapanglawan. Sadyang
maunawain ang pag-iisa kaya’t
wala itong kapalagayang-loob;
tinatakasan ngunit di matalikuran;
itinatatwa ngunit kinikilala nang
ganap ng pusong mapagbata.
Laging uhaw sa pag-unawa ang
pag-iisa. Laging gutom sa pagkilala.
Laging namamalimos ng pagsinta.
Laging nananabik sa paghihintay.
Laging nakikibaka sa pagtatamo
ng puwang sa katuturan ng buhay.
0 Comments:
Post a Comment