Powered by Blogger.

HUWAG MONG HANAPIN ANG PASKO

ni EMI

Huwag mong hanapin ang Pasko
Sa masikip at masangsang na mga kalye
ng Recto’t Divisoria;
Sa magarbo’t maningning na mga mall
sa Makati’t Maynila;
Sa mga mamahaling regalo’t handaan
sa mga pagtitipon;
Sa masaya’t magulong mga pasyalan.

Huwag mong hanapin ang Pasko
Pagka’t ito’y kusang minsang dumating
Na di binigyang halaga’t pansin ng mundong
Sa dilim ay nakagupiling.

Nang maganap ang unang Pasko’y
Iniukit na ito ng Mesiyas sa puso
Ng bawat taong Kanyang hinirang.
Sa Kanyang pagdating binuksan Niya
Ang puso ng sangkatauhan, at doon
Siya’y isinilang upang maghari magpakailanman.

Huwag mong hanapin ang Pasko sa labas.
Bakit di mo buksan ang salawahan mong puso
At masdan ang tunay na diwa ng Pasko
Sa katauhan ng Sanggol na payapang nahihimlay
Sa sabsaban ng iyong puso.

0 Comments:

Post a Comment

About This Blog

Blog Archive

  © Blogger template Webnolia by Ourblogtemplates.com 2009

Back to TOP