Footbridge
ni Kennrick Glenn Garcia Magdangal
Ayon sa salaysay ni “Jane dela Cruz” (hindi tunay na pangalan):
“Nagmamadali akong umuwi noong gabing iyon. Maging ang mga pasaherong kasabay kong naglalakad ay nagmamadali rin. Ubusan kasi ng upuan sa mga bus at dyip at ayokong abutin ng hatinggabi sa lansangan. Gabing-gabi na. Kailangan ko nang umuwi.
Ubod nang traffic. Bugso sa kahit saan mang gawi ang mga taong ‘di magkamayaw sa kalalakad. Ang ilan, hindi rin mapakali. Ang mga sasakyan naman ay halos magkadikit-dikit na rin. Napaka-traffic. At hindi ko kayang maipit dito kaya’t binilisan ko ang lakad. Hindi pwedeng ‘di ako makauwi. KAILANGAN KO NANG UMUWI.
Dali... Bilis…
Nang makita ko ang FOOTBRIDGE, nakahinga ako nang maluwag. Kaligtasan. Ang footbridge ang aking kaligtasan; ang bayaning magtatawid sa ’kin sa kabilang panig ng buhay—ng masalimuot na kalsada.
Pumanhik ako agad. At nang nasa tuktok na ako, nahirapan akong maglakad. Tila ba may mabigat na kadenang humihila sa ’kin pabalik. At nang naroon na ako sa kalagitnaan ng footbridge, eksaktong layo sa magkabilang panig, ako’y napatigil.
Bumigat ang aking paghinga. At natuon ang aking atensyon sa napakaraming tao mula sa iba’t ibang sulok ng lansangan. Lakad nang lakad. Walang kapaguran. Walang kapayapaan. Napakaraming taong may iba’t ibang kasawian. Ang iba’y may layunin, subalit ang iba’y panaginip lang ang naaabot ng imahinasyon.
Sa gilid naman ng kalsada, matayog na nakatayo ang mga higanteng billboard na may mga modelong nakangiti sa akin. Nakangisi. Pinagtatawanan ako. Ang ilan nama’y nakatingin pailalim. Tila may masamang binabalak sa akin. Ang napakalaking mall naman sa aking kaliwa, patay-sindi ang mga ilaw.
Ito ang aking huling sulyap sa katotohanan.
At tila bumilis ang galaw ng mundo ko. HINDI NA TUMITIGIL ANG GALAW NG MGA TAO! LAKAD! LAKAD! LAKAD! PATAY-SINDI ANG MGA ILAW! ANG MGA SASAKYAN SINGITAN NG SINGITAN! ANG GULO NG LANSANGAN!
Ang ingay! Libu-libong mga busina at tugtugin. Hinahaluan pa ito ng malungkot na tinig ng bulag na kumakanta sa footbridge. Sigawan nang sigawan. Bulyawan nang bulyawan. Kailan ba ito matatapos? ANG GULO! ANG GULO NG LANSANGAN!
Bumigat lalo ang aking paghinga. Ang aking mga paa, hindi ko na maigalaw. Sumigaw ako nang buong lakas. “Saklolo!” Ngunit wala ni isang pumansin sa akin. Daanan pa rin ng daanan ang mga tao sa footbridge.
Nagbago ang lahat at naging kakila-kilabot ang mga pangyayari. Hinihiyawan na ako ng bulag na umaawit. Sinisigawan naman ako ng mga traffic enforcer at mga driver na nasa ibaba ng footbridge. Galit na galit sila sa akin. Nagtitilian pa ang lahat – matanda at bata – lahat. Sumigaw silang lahat sa hindi ko maunawaang dahilan. At napakalakas ng mga busina. Walang tigil! Walang kasinglakas!
“AHHHH TIGIL! TAMA NA! TIGILAN NINYO NA ‘KO!” hiyaw ako nang hiyaw. Ngunit tila ‘di nila naririnig. Pumikit ako at umiyak. Sa isip na lamang ako sumigaw. Ayoko na ng ganitong buhay! ‘Di ko na kaya! At sa muling pagmulat ng aking mga mata... nawala ang ingay! LAHAT NG INGAY AY NAWALA. Kinumutan ako ng nakatutulig na katahimikan. Paghinga ko na lang ang tangi kong naririnig. Isa-isang namatay ang mga ilaw sa paligid – sa billboard, sa mall, at mga ilaw ng mga sasakyan! Dumilim ang buong paligid.
At napatingin ako sa buwan. Siya ri’y dumilim. Hindi ba’t ito’y nangangahulugang ang araw rin ay dumilim? Wala na nga bang bukas pa? Nakita ko ang libu-libong mga bituin na isa-isang nahuhulog mula sa langit. Sumasabog silang lahat na parang mga kuwitis. Naging abo na ang mga bituin. At nagdilim ang lahat.
KADILIMAN AT KATAHIMIKAN. Niyakap ako ng takot at kilabot. Ano itong nangyayari? Hindi ko maintindihan. Dumilim ang paligid... Dumilim ang lahat sa akin! Wala na akong makita ni gatuldok na liwanag. Isinumpa ko ang kalagayang hindi maunawaan ng lipunan. Dumapa na lang ako’t umiyak. Humagulgol. Takot na takot.
Maya-maya’y may narinig akong isang kalmadong tinig ng isang babae, “Dito ang daan pauwi Jane. Halika, ituturo ko sayo.”
Kilalang-kilala ko ang boses na iyon. Tama. Hindi ako maaaring magkamali.
Wala akong makapitan. Dilim at katahimika’y umaalingawngaw sa ‘king isip. Hindi ko na kaya. Wala na akong makita pa. Nagtiwala ako sa tinig na ’yon. Tumayo ako at sumunod sa kanya.
”Dito ka dumaan. Halika, sige, huwag kang matakot... Itapak mo lang ang mga paa mo. Dahan-dahan lang, baka madulas ka... Dito ang daan pauwi Jane. Ihahatid kita.”
Takot na takot ako. Sumunod ako sa kanya. Ang tinig niya at ang aking hininga lang ang naririnig ko.
”Magwawakas na Jane... Malapit ka nang makauwi...” aniya.
Sa isang iglap, isang matandang lalaki ang biglang sumigaw... “HUWWAAAGGGG!!!!!!!!!!!!!!!!!”
At kasunod noon, narinig kong bigla ang sigaw ng mga tao sa malawak na lansangan. Tila may nasasaksihan silang hindi pangkaraniwang pangyayari sa footbridge. Isang pangyayaring ipagluluksa ng kanilang mga gunita, habambuhay.
Maya-maya pa’y narinig ko ang napakalakas na busina ng isang bus.
Hindi ko na alam kung ano pa ang mga sumunod na nangyari.
Ang alam ko lang, masarap pala sa pakiramdam na tila nakalutang ang mga paa mo sa ere, kahit tatlong segundo lang.
***
(Mga alaala niya’y naglulublob ngayon sa putik ng kanyang sanktwaryong anim na talampakan ang lalim. Nawa’y silayan siya ng Dakilang Liwanag. Gayundin ang mga buhay pa niyang katulad na inililibing ng lipunan sa madilim na seldang tinatawag nilang “Kabaliwan”.)
0 Comments:
Post a Comment