WANTED: BAYANI
ni Elmer C. Hibek
Lagi at laging nangangailangan ng
bagong bayani ang aming kawawang
bayan. Sa bawat yugto ng aming
masalimuot na kasaysayan, tinutuldukan
ang bawat kabanata sa pagtatampok ng
mga bayaning ang kabayanihan ay ipinagdiriwang
sa peryahan. Sapat ng kabayaran sa mga
bayani ng aming bayan ang sila’y maitala
sa pahina ng aklat ng kasaysayan, sauluhin
ang kanilang mga pangalan upang ipangsagot
sa mga tanong sa pagsusulit sa paaralan.
Sapat ng ipagpatayo sila ng mga estatwang
nababalot sa lumot at namamalimos
ng konting pagtingin. Sapat ng alalahanin
sila sa mga espesyal na araw gaya ng
kaarawan o kamatayan kasabay ng pag-aalay
ng mga mumurahing bulaklak. Sapat ng banggitin
ang kanilang mga pangalan at ilang piling mga
salita sa panahon ng pakikibaka. Sa isang bayang
gaya ng sa amin na walang gunita, walang laman
ang mga salita, walang pakialam sa pagdaralita,
at walang alam gawin kundi pagpuputa, isang
bayani ang hinahanap namin upang pansamantalang
magpakita ng kakaiba’t kakatwang kabayanihang
pag-uusapan ng ilang sandali at saka ibabaon
ng walang kabaong. Sa nakalipas na panahon,
ang mga pangalang Lapulapu, Dagohoy, Silang,
Rizal, Bonifacio’t Aguinaldo’y mga alingawngaw
na lamang sa karimlan. Sa kasalukuyan, laksa-laksa
ang nominado sa pagkabayani ng aming bayan.
Pambansang libangan na sa amin ang pagluluklok
ng mga bayaning mainam na palamuti sa pera, museo’t
liwasang bayan.
0 Comments:
Post a Comment