Filipino: Paglipas ng mga Unos: Bakit Dapat Ipagdiwang ang Pasko
Tanda. Malamig na simoy ng hangin. Mahahabang gabi. Kabi-kabilang mga Krismas sale. Pagsulpot ng mga tindahan ng puto bumbong, bibingka’t suman. Mga nagtataasang Krismas tri sa mga liwasang bayan. Makukulay na mga parol. Pagsasalimbayan ng mga awiting pamasko sa radyo’t telebisyon. Gabi-gabing karoling sa mga lansangan. Pagdagsa ng mga balikbayang Pinoy mula sa iba’t ibang panig ng mundo. 13th month pay ng mga kawani sa pribado at pamahalaang institusyon. Ang mga ito’y ilan lamang sa mga palasak na tanda na ang panahon ng kapaskuhan ay narito na.
Mga Luha At Hinagpis Sa Paanan Ng Krus. Sa pagdating ng mga buwang nagtatapos sa “er”, nagsisimula ng magbilang ng paurong ang karamihan hanggang sa araw ng pasko. Marami sa mga Pinoy ay unti-unti nang nagsusubi kahit maliit na halaga bilang paghahanda sa paskong kinasasabikan. Kasabay nito’y ang tahimik na paglalatag ng mga planong isakatuparan sa panahon ng pasko.
Sadyang mapagbiro ang buhay. Animo saranggolang napatid ang pisi at tinangay ng hangin ang mga magagandang balaking sana’y magpapasigla sa paskong darating. Sunud-sunod na dumating, nanalasa, nag-iwan ng malalagim na alaala sina Ondoy, Pepeng, Ramil, at Santi. Walang akma’t sapat na salita upang ilarawan ang napakapait, napakasakit, at napakalupit na mga karanasang nakaukit na sa puso’t isipan ng sambayanang Filipinong sinubok ng kaitaasan. Kaalinsabay ng malawakang pagbaha, di rin naiwasan ang pagbaha ng mapapait na luha; kasama ng mga bahay at sari saring ari-ariang inanod ng baha’y naanod din ang mga hibla ng pag-asa; lumubog sa tubig-baha ang mga pinagkukunan ng ikabubuhay sabay ng paglubog ng mga mumunting pangarap; gumuho ang lumambot na lupa sabay ng pagguho ng kaloobang nanghina; nalibing ng buhay ang marami kasama ng pagkakalibing ng tuwa’t sigla sa buhay; nawasak ang mga bagay-bagay na pinaghirapan sabay ng pagkawasak ng maraming buhay; at nabago ang lahat sa isang iglap. Isang pagbabagong hinog sa pilit. Isang pagbabagong binibindisyunan ng luha, inaalayan ng dusa’t hinagpis sa paanan ng krus na ibinaon sa putik.
Paghahanap sa Katuturan ng Pasko. Lumipas na ang mga sigwang nagdulot ng laksang bangungot sa ating bansa. Gayonman, bakas pa rin ang maiitim na peklat na sanhi ng malalalim na sugat na iniwan ng mga bagyong naminsala sa buhay at pamayanang Pinoy. Lubhang sariwa pa ang mga gunitang nabalot ng trahedya na patuloy na nagdudulot ng lungkot, hapdi’t kawalang sigla sa higit na nakararaming biktima. Kung sana’y madaling limutin ang lahat!
Sa pagsapit ng kapaskuhan, paano ba ito ipagdiriwang lalo na ng mga naging biktima ng mga bagyong nagdaan? May katuturan pa bang ipagdiwang ang pasko sa gitna ng masidhing kahirapan at matinding kawalan? Saan matatagpuan ang diwa ng kapaskuhan?
Lubhang may mabigat na dahilan ang mga biktimang kababayan natin upang ipagsawalang bahala ang pasko. Kung tutuusin, ito’y dagdag na sakit ng ulo’t alalahanin pa sa gitna ng nararanasang pagdarahop. Animo ito isang malakas na tadyak sa kanilang mukhang puspos pa ng dalamhati. Isa itong panglilibak sa kanilang kawalang kakayahang magdiwang at magsaya dala na rin ng kapaitang kanilang pinapasan. Ito’y panahon pa rin ng mahabang pananangis at pagluluksa sa pagkamatay ng mga taong mahal sa buhay kasama ng pag-asang nalibing na rin sa madilim na hukay. Ito’y panahon ng pananahimik, pagkukubli, paglayo, pagtalikod, pagpapaanod at pagsupil.
Ang dati ng maralitang pamumuhay, ang kainutilan ng sukab na pamahalaan, ang pagsasamantala ng mga masalapi’t makapangyarihan sa mga dukhang mangmang, ang pag-iral ng nabibiling hustisya, ang mailap na kapayapaan, ang kawalang integridad at delikadesa ng mga namumuno, ang patuloy na paglubog ng ekonomiya ng bansa, ang laganap na korapsyon, ang pamamayagpag ng krimen, ang pagsalaula sa kapaligiran at ang malawak na kapinsalaang dulot ng mga bagyong nagdaan ay sapat ng katuwiran upang ang higit na bilang ng mga Pinoy ay panawan na ng pag-asa sa buhay at iwaksi na ang tradisyon ng paggunita sa pagsilang ng Anak ng Lumikha.
Tuloy ang Pasko. Walang alinlangan na sa kabila ng matitinding dagok ng buhay sa ating lipunang Pinoy ang pagdiriwang ng pasko. Ano pa man ang masasaklap na mga pangyayaring gumiyagis sa ating mga buhay, ano pa man ang mga makadurog pusong kuwento ng panganib, takot, pangamba’t kabayanihan, ano pa man ang mga alaalang patuloy na tumatangging mabaon sa pusod ng paglimot, at ano pa man ang kulay, hugis at pulso ng bukas na haharapin matapos ang mga unos, nakahanda’t buong pananabik na naghihintay ang sambayanang nananalig sa bisa ng kapangyarihan ng pagsilang ng Diyos Anak upang hanguin sa madlang hirap at sakit ang lugmok na sambayanan.
Sino nga ba ang makapipigil sa pagdatal ng pasko? Ano nga ba ang makahahadlang upang ipagpaliban ang pasko? Paano tatakasan ang pasko? Bakit iiwasan ang pasko sa panahon ng pagdaralita?
Likas na matibay at matatag ang Pinoy. Subok sa hirap ng buhay. Subok sa hamon ng mapaglarong kapalaran. Subok sa gitna ng mga nag-uumpugang puwersang patuloy na humuhubog sa kanyang kamalayan at pagkatao. Subok sa pakikipagsapalaran sa kumpas ng tadhanang salawahan. Subok sa pananalig sa sariling kakayahan kahit ilang ulit masubsob at humalik sa alabok.
Magaling dumiskarte ang Pinoy. Di siya agad-agad sumusuko sa mga pagsubok. Mabilis siyang bumabangon sa bawat pagkadapa. Maagap siyang tumatayo sa sariling mga paa sa bawat pagkapatid. Mahinahon siyang humaharap sa katotohanang mabilis magpalaya sa kanya mula sa mga negatibong pananaw. Malakas at buo ang kalooban at dibdib sa paulit-ulit na pagbabalikwas mula sa kalagayang busabos. Marubdob sa tuwina ang pagpapahayag ng pagkilala sa Dakilang Lumikha sa bawat panahon ng hiram na buhay.
Ang dahan-dahang pagsisimula ng mga biktima ng mga sigwa sa pagharap sa buhay at ang unti-unting pagbangon ng ating bansa mula sa hagupit ng kalikasan at pandaigdigang resesyon ay malinaw na tanda ng pagbibigay ng puwang ng mga Pinoy sa pagdiriwang ng pasko.
Higit Kaylanman. Sa mga nagdaang panahon ng kalamidad, kusang gumitaw ang mga katangi-tanging pagpapahalaga ng mga Pinoy na lubos na pumukaw ng atensyon ng buong mundo. Hitik sa kuwento ng mga kabayanihan, pagmamahal, pagkakapatiran at pagbabahaginan. Nakakataba ng puso ang di mailarawang pagdadamayan ng sambayanang Pinoy sa kabila ng mga kalunus-lunos na tanawin ng kapighatian.
Sa pagsisimula ng panahon ng kapaskuhan, higit kaylanman ay ito ang angkop na pagkakataon upang ipagpatuloy ang nasimulang paglalaan ng oras, kakayahan, at munting yaman para sa mga kababayang higit na nangangailangan. Di naging mahirap gawin ang kusang loob na pagtulong sa kapwa noong mga sandali ng trahedya. Kung gayon, higit na madaling isakatuparan ang pagbabahagi ng pag-ibig sa kapwa ngayong kapaskuhan yamang pag-ibig ang pinakaugat ng pagkakaroon ng pasko. Ang pasko’y paghahandog ng sarili sa Diyos sa pamamagitan ng kapwa sa paraang buung-buo, maalab, matimyas, mababang-loob, malinis, matamis at mapagmalasakit.
Taglay ng pasko ang isang panghalinang di kumukupas at kusang bumibihag sa madla. Sapat na ang panghalinang ito upang makapagsabog ng sanlibong tuwa’t galak sa buhay ng maraming naghihikahos ng Pinoy. Totoong mababaw ang kaligayahan ng masang Pinoy. Sa konting biyayang ipagkaloob sa kanila’y masaya na sila.
Isang bukas na paanyaya ang kapaskuhang ito para sa ating lahat na may kakayahang magpadama ng pagkalinga’t pagmamahal sa kapwa sa abot ng sariling kapasyahan. Ating gamitin ang okasyong ito upang ipagbantog ang tunay na diwa ng pagparito ng Anak ng Diyos.
Ating gunitain ang unang pagdiriwang ng pasko. Di naging madali kina Jose at Maria ang pagsasakatuparan ng dakilang plano ng Diyos para sa sangkatauhan. Lipos ng karalitaan at hirap, naging masunurin silang mga kasangkapan na walang inisip kundi sundin ang kalooban ng Lumikha. At maging ang sanggol na isinilang ni Maria’y nagdanas ng ganap na karukhaan sa isang abang sabsaban upang ipakita ng Diyos Anak ang kanyang pakikiisa’t pakikiramay sa lahat ng nagsasalat sa buhay. Sa gitna ng gayong dukhang tanawin, and sanggol ay panatag na nahihimlay pagkat nasa paligid Niya ang tunay na kaligayahan at kayamanan---ang kanyang pamilya.
Higit kaylanman, marapat nating ipagdiwang ang kapaskuhan pagkat ang sanggol na si Emmanuel ay walang sawang nagpapaalaala sa ating lahat na “ang Diyos ay nasa atin tuwina”. Ano man ang dumating sa ating mga buhay, ang Diyos ay nasa piling natin. Ano man ang mangyari ngayon at sa hinaharap, ang Diyos ay kasangga natin. Ano man ang pinagdaanang pagsubok sa buhay sa taong ito, ang Diyos ay kaagapay natin.
Kabayan! Sindihan ang parol at dalawin ang dakilang sanggol sa belen! O Berbong nagkatawang tao, bawiin ang hamog na nasa aming paligid, gisingin sa pagkahimlay ang aming pananalig!
ni Elmer C. Hibek
0 Comments:
Post a Comment