Ang Babae sa Septik Tank: Pangangapa sa Dilim
ni Elmer C. Hibek
Ang Istorya.
Dalawang magkaibigang lalaki na kapwa mahilig sa pagsusulat at pagdidirihe ang nagkasundong gumawa ng isang pelikula na umiinog sa buhay ng isang ina na may pitong anak at nakatira sa isang lugar ng iskwater. “Walang-wala” ang pamagat ng gagawing pelikula. Sa pag-ikot ng kuwento, sumentro ang pelikula sa kahirapan ng buhay ni Mila (ang bidang babae) at ng kanyang pamilya na nagbunsod sa kanya upang ibugaw ang mga anak sa mga banyagang hayok sa laman ng mga kabataan.
Naging mapili ang direktor ng pelikula sa pagkuha ng artistang gaganap sa papel na Mila at sa wakas ito’y naiatang kay Eugene Domingo. Nakaharap ng magkaibigan si Eugene sa magara nitong mansyon at nagkasundo sa mga bagay-bagay na may kinalaman sa pelikula. Matapos ito’y inatupag ng magkaibigan na puntahan ang lugar kung saan ang shooting ang shooting ng pelikula. Isang lugar na iskwater na napaliligiran ng bundok ng mga basura ang napili ng magkaibigan. Habang sila’y abala sa paggalugad sa lugar, natiyempuhan nila ang panloloob ng mga kalalakihan sa nakaparada nilang kotse. Agad nilang inireport sa presinto ang insidente. Sa kabila nito’y natuloy ang shooting.
Naghahanda na ang lahat sa kukunang eksena sa septik tank nang biglang mahulog si Eugene sa tangke gayong hindi pa gumigiling ang kamera. Yamang siya’y nasa loob na ng septic tank, minabuti na ng direktor na ituloy ang eksena ni Eugene sa loob ng tangke.
Ang Tema.
Pangunahing tema ng pelikula ang kahirapan sa ating bansa. Pangalawa rito’y ang ambisyon ng taong makilala sa lipunang kanyang ginagalawan. Palasak na ang mga temang nabanggit at hindi ito nabigyan ng bagong pagpapakahulugan sa pelikula ni tinalakay sa isang maayos at makahulugang pamamaraan. Malinaw na ginamit lamang ang mga isyung ito upang makagawa ng isang palabas na manlilibang lang sa manonood.
Walang bahid ng pagtatangka ang pelikula upang itaas ang panlipunang kamalayan ng manonood nang sa gayon ay gumanyak ito sa isang kolektibong pagkilos upang harapin at lunasan ang problema. Sa kabila ng paglalahad ng isyu ukol sa kahirapan, tumatawag ng pansin ang makasariling pangarap/ambisyon ng magkaibigan upang maging bantog sa kanilang larangan nang hindi alintana ang paggamit sa buhay, dangal at kalagayan ng mga taong sangkot sa kuwento.
Ang Simbolismo.
Ano ang ginagawa ng babae sa septik tank? Bakit siya naroon? Ang septik tank ang pinakamahalagang aytem sa pelikula na may kakabit na kahulugan. Bilang simbolo, ito’y kumakatawan sa ating bulok na lipunan na isang malaking imbakan ng lahat ng uri ng kabulukang moral, sosyal, ispiritwal, politikal at pangkabuhayan. Ang babae sa septik tank ay sumasagisag sa lahat ng klase ng tao sa ating lipunan na nagtataglay ng kanya-kanyang “baho,” “dumi,” “yagit” at “basura” na nakakapit sa pagkatao, umaalingasaw, nakapandidiri’t kahindik-hindik kahit ito’y nakakubli.
Ang pagkahulog ni Mila sa septik tank ay mabisang pagpapakita ng patuloy na “pagkahulog” ng laksa-laksang mga maralita sa ating bansa sa mga patibong ng paghihikahos, gutom, sakit, kamangmangan, eksploytasyon, atbp. Ano mang talim ng patalim, kakapit at kakapit upang “mabuhay” at sa “pagbitaw” sa patalim, saan pupulutin? Sa septik tank na karimarimarim!
Pangangapa sa Dilim.
Sa halos dalawang oras na pagtakbo ng pelikula, walang malinaw na direksyon na tinumbok ito. Liban sa ilang eksenang nakatatawa, umikot na lang ang palabas sa mga eksenang ibig mangyari ng direktor sa kanyang obrang nais tapusin. Sa hindi inaasahang pagkahulog ni Mila sa nakabukas na septik tank nagwakas ang pelikula.
Mababaw ang pelikula sa maraming aspeto. Isa itong tipikal na pelikulang indie na ang tanging hangarin ay mang-aliw lamang. Ang pamagat ng pelikula lamang ang tanging pantawag pansin.
Nakapanghihinayang isipin na sa kabila ng matapang na paglalahad ng ilang usaping panlipunan, hindi binigyang pansin at pagpapahalaga sa pelikula ang pagtatangka ng mga taong gaya ni Mila na umahon sa lusak sa kabila ng mga balakid sa buhay sa paraang makapagpaparangal sa dignidad ng tao, makagaganyak sa pagbubuo ng mga positibong atityud at pananaw, at makapagtataas sa antas ng kamulatan ng tao na siya’y nilikhang kawangis ng Maykapal na marapat maluklok sa maringal na luklukan at hindi makulong sa loob ng nakapandidiring septik tank.
Malupit ang pelika sa paglalantad ng mga kahinaan ng tao subalit nangangapa ito sa dilim sa paghahanap ng liwanag sa makipot na lagusan.
Poster source: “Ang Babae Sa Septic Tank” movie trailer and poster released! June 19, 2011
http://www.noypitayo.com/2011/06/19/ang-babae-sa-septic-tank-movie-trailer-and-poster-released/
0 Comments:
Post a Comment