Powered by Blogger.
Showing posts with label Filipino. Show all posts
Showing posts with label Filipino. Show all posts

Lapis

Bata’t matanda’y inampon ka

Walang natutong di ka makasama
Silbi mo’y nasa matiyagang pagtatasa

Ikaw ang sumusulat ng kapalarang nasa

EMI

Read more...

Rosaryo



Animo mga luhang tinuhog

Sa hirap at ginhawa’y kasama

Panalanging inuusal ng bumubusog

Sa puso’t kaluluwang hinuhulma



Anong hiwaga ang bumabalot sa’yo

Paborito kang dasal ng Birheng masuyo

Lunas ka nga ba sa mga siphayo

Susi sa langit matapos na yumao?

ECH

Read more...

Asin



Kay dami mong makabuluhang gamit

Pampalasa, pangreserba, panlinis

Pang-alay, panggamot, pampakinis

Hamak man sa tingin ng gumagamit



Diyos na ang nagwika sa tao

“Maging asin at liwanag sa mundo”

Isang hamong sa balana’y nakalilito

Pagkat walang may ibig maging santo

ELMS

Read more...

Payaso


Larawan ka ng sigla’t kasiyahan

Makulay mong kasuota’y kinatutuwaan

Ngiti sa labi mo’y walang pasidlan

Dulot mong tuwa’y laging inaabangan



Sinong nakababatid ng iyong lumbay

Sa puso’t kaluluwa mo’y nakadantay

Sinong magsasabing ang mang-aaliw

Sa likod ng makara’y tila baliw

EMI

Read more...

Ukay-ukay

Masayang mamili sa ukay-ukay
Dagsa sa mga panindang makukulay:
Bestida, pantalon, kamiseta, tokong
Tsinelas, medyas, sapatos at paying

Bawat bagay na dito’y mabili
Sampal sa mukha ng mamimili
Tadyak sa dangal ng nawiwili
Alipusta sa ngalan ng makasarili

Malinaw kang tanda ng kahirapan
Sa baying lugmok sa karalitaan
At mahilig mamulot ng mumo kung saan
Sa ukay-ukay ba’y magkano ang pangalan?

EMI

Read more...

Bonsay

Ni ECH

Nilulumot na lalagyan
Ilang dakot na lupa
Ito ang iyong mundo
Ito ang iyong pag-aari.

Sa labis na pagkagiliw
O sa labis na pag-ibig
Katawa’t kaluluwa mo’y
Pinuluputan ng matigas
Na kawad upang hangad
Na anyo’y matamo. At
Saka pupungasan upang
Ganda mo’y mapansin.

Sa paglipas ng mga taon
Tatanghalin kang isang
Obra maestrang hinubog
Sa kamay na bakal;
Pinanday sa talim ng
Pagsikil; hinulma sa
Lupit ng pagsupil at
Inaruga sa pait ng pagsinta.

Kabansutan mong hinahangaan
Kalayaan ang kabayaran
Layuning ika’y maparikit
Nagdaranas ka ng matinding sakit

Read more...

Apoy


Hatid mo sa daigdig ay liwanag

Init ng hininga mo’y nakalulusaw

Lamig sa puso’y iyong binabahaw

Matutukso sa alab mong nakabibihag

EMI

Read more...

Salapi


Mundo’y umiikot dahil sa iyo

Mutya kang iniirog at sinusuyo

Ugat ka ng sigalot at siphayo

Ibigin ka’y may sumpang kasuyo

Read more...

Langit


Sabi sa Bibliya ito’y tahanan ng Diyos

Maringal na luklukan ng mga banal

Bayan ng mga kaibigan ni Kristong mahal

Himlayan ng mga kaluluwang malinis na lubos



Ibig ko ring makarating sa langit

Kung matapos na yaring mga sakit

Makita ko kaya ang daan kay Bathala

Tanggapin kaya ako’t bigyan ng pagpapala

ELMS

Read more...

Sugat

Bakit umaaray sa maliit na sugat

Gayong malayo ito sa bituka’t sikmura

Bakit tahimik sa malalim na sugat

Gayong halos ikamatay ang sakit nito?

May salita ang hapdi’t kirot ngunit

Walang wika ang ugat ng sugat!

ECH

Read more...

Hiram



Ang lahat sa daigdig ay hiram

Buahy, tagumpay, ligaya’t yaman

Ganda, talino, lakas at kapangyarihan

Wag pabubulag at paaalipin sa mga ito

Pagkat ano mang hiniram o pinahiram

Sa takdang panahon ay ibabalik

Sa alikabok nagmula’t muling makikitalik

ECH

Read more...

Lamay



Uso ang lamay pag may patay

Kahit sino’y pwedeng magbantay

Lalo na’t may kapeng pambuhay

Sa diwang ibig nang bumigay



Di lamang sa patay ang lamay

Sa taong may pangarap ito’y karamay

Paano kakamtin mithiing makulay

Kung ayaw ng mahabang paglalamay?

ELMS

Read more...

Gutom



Walang sinisino, walang iginagalang

Masalapi’t dukha’y mga aliping tunay

Pag ikaw ang naghari sa mundong lupasay

Di kaya kainin pati bakal na makalawang

EMI

Read more...

Pananahimik



Isang kanlayaw na sakdal tamis

Pumapawi ng pagod, inis at hapis

Hatid sa isip at puso’y ligayang labis

Bakit kinamumuhia’t laging pinapalis?

ECH

Read more...

Kamay


Magkahiwalay ngunit magkaugnay

Laking gampanin sa buhay

Gamit sa pagtatayo ng bantayog ng tagumpay

Gamit sa paghukay ng libingang sinsay

ECH

Read more...

Panalangin ng Nars



ni ECH

Banal na Lingkod! Ikaw ang huwaran ng ganap na pag-aalay ng sarili sa iba. Sa aking pagtupad ng tungkulin sa araw na ito, lukuban Mo ako ng Iyong Banal na Espiritu upang maganap ang banal na kalooban Mo sa buhay ng mga pasyenteng paglilingkuran ko ngayon. Loobin Mong makita kita sa katauhan nila na nagbabata ng sari-saring karamdaman at hirap; madama Kita sa paghawak ng kanilang mga palad na umaasa ng tapat na pag-aaruga; marinig Kita sa kanilang mga tinig ng pagdaing at pagsusumamo; maunawaan Kita sa kanilang mga litanya ng pangangailangan; madamayan Kita sa pag-unawa sa kanilang kalagayang puno ng dalita, at mayakap Kita sa kanilang mga panalangin para sa mabilis na kagalingan. Lagi Mong ipaalala sa akin na hinirang Mo akong maging nars upang maglingkod at ihandog nang walang pasubali ang sarili nang sa gayon ay makabahagi Mo ako sa pagpapalaganap ng iyong kaharian sa mundo. Panginoon, narito ang Iyong alipin na handang tumalima sa Iyong ipagagawa. Amen.

Read more...

Paano mo ilalawaran sa isang bata ang Pasko?

Column: Sigwasan ng Buhay
Ni Mary Grace Marteja

Maaari nating sabihing ito ang isa sa pinakamakukulay na pagdiriwang sa buong taon, maliban sa mga pista. Ito ang panahon kung kailan araw-araw kinukuyog ng mga tao ang mga malls at ibang pamilihan para makapamili ng iba’t ibang pandekorasyon sa bahay. Pinakasikat na dito ang Christmas tree na karaniwang sinasamahan pa ng kung anu-anong pansabit. Tila ba kalbo ang naturang puno kung wala ang mga palamuting yaon; may kumikinang na mga bilog, hugis-estrelya, at parihabang kinaluluguran ng mga nakamamalas nito. Hindi rin mawawala ang mga parol at Christmas lights na nagbibigay-kulay sa mga bahay tuwing gabi.

Maaari rin nating ilarawan ang mga gabi sa tuwing Pasko. Nagsisilipana ang mga batang nangangaroling ng mga pamilyar na pamaskong awitin. Gamit ang mga tansan, lata at patpat, nakalilikha ang mga bata ng kanilang tugtugin. Sa panahon nga ngayon ay may mga dala ng gitara ang ilang nangangaroling. Mayroon ding pare-pareho pa ng damit upang mas maging presentable sa paningin ng iba. Minsan ay sinasamahan pa iyon ng kaunting indayog ng balakang at pitik ng mga daliri. Karaniwang pera ang ibinibigay ng mga taong-bahay na kanilang naaabutan.

Isa pang hindi mawawala sa ating kultura ang kabi-kabilang mga Christmas party, sa paaralan man o sa opisina. Punong-puno ng kasiyahan ang ganitong okasyon. Kabilang na rin sa ating tradisyon ang pagbaha ng mga regalo – laruan, damit, sapatos, bag at kung anu-ano pang abubot na panregalo. Magastos man ay tila hindi na iyon alintana ng mga Pilipino. Ang mas mahalaga’y makapagpasaya ng kapwa at maging masaya na rin.

Sa madaling araw naman, gising na agad ang mga tao upang dumalo sa misa de gallo o simbang gabi. Maaari rin namang magsimba sa gabi ngunit mas maraming mga tao ang pinipiling magsimba sa madaling araw. Isang motibasyon para gumising ng maaga ay ang paniniwalang kapag nakumpleto mo raw ang siyam na simbang gabi ay maaaring matupad ang iyong pinakahihiling. Pagkatapos ng misa, samu’t saring kakanin ang nakabalandra sa harap ng simbahan. Pinakauso rito ang kulay-ubeng puto bumbong at dilaw na bibingka bagaman hindi rin naman patatalo ang suman at matamis na taho.

Sa bisperas naman ng Pasko tiyak na abala sina ate, nanay at lola sa kusina para sa noche buena. Para silang mga mahikera na sa bawat kumpas ng kampay ay magkakaroon ng milagro sa iyong harapan…mga masasarap ng pagkain! Hindi mo aakalaing ang mga walang kabuhay-buhay na sangkap mula sa palengke na minsan pa’y may masangsang na amoy ay mapagbabagong-anyo nila at magiging malinamnam na mga putahe. Amoy pa lang ng mga iyon ay tiyak na maglalaway ka na at agarang kakalam ang iyong sikmura. Anupa’t ‘pag iyong napagmasdan na ang mga nakahain, tiyak na hihilingin mong sana ay Pasko na lamang araw-araw. Nadadagdagan pa ang sarap ng salu-salong ito kung kumpleto ang buong pamilya.
At pagsapit ng mismong araw ng Pasko, magsisimba ang buong pamilya at magpapasalamat sa biyaya ng kanilang tinamasa ngayong taon at tatamasahin pa sa hinaharap. Pagkatapos ng misa, karaniwan na sa mga Pilipino ang magpunta sa bahay ng mga ninong at ninang, na tila inaasahan na ang pagdagsa ng kanilang mga bisita sapagkat mayroon tiyak na ihahaing minandal at ibibigay ng pamaskong-regalo o salapi sa mga batang tuwang-tuwa.

Sa kabila ng masayang pagdiriwang na ito, masasabing ang mga bata ang mga magiliw na saksi sa kagandahan ng Pasko. Sila ang karaniwang sabik para dito—dumako pa lamang sa kanilang isipan ang imahe ni Santa Claus at ang sako-sakong mga regalong dala nito ay tila abot na sa kanilang tainga ang kanilang mga ngiti. Bakas sa kanilang mga mata ang isang uri ng ningning na nagpapahiwatig ng busilak na kaligayahan—lalo na kung nakakatanggap na sila ng mga regalo mula sa kanilang mga magulang at mga kaibigan. Hindi nakapagtatakang sa tuwing palapit ang Pasko’y wala nang ibang bukambibig ang mga kabataan kundi ang Christmas party na kanilang dadaluhan, mga regalong kanilang ibibigay at ang mga aginaldo na matatanggap sa kanilang mga ninong at ninang.
Kung tutuusin, ating masasabi na kasing-ningning ng mga Christmas lights at kasing-garbo ng isang Christmas tree ang imaheng pumapaimbulot sa isipan ng isang bata sa tuwing naririnig niya ang salitang “Pasko”. At minsang tayo’y naging mga bata’y naramdaman rin natin ang kasabikang ito.

Ngunit, isang tanong ang dumadako sa ating mga isipan.

Puro ningning at kagandahan lamang ba ang nagbibigay-kulay sa Pasko? Ano nga ba ang tunay na diwa ng Pasko?

Ngunit hindi rin dapat natin kalimutang ipabatid sa isang bata na hindi lahat ng tao ay may kakayahang bumili ng Christmas tree o kahit simpleng parol man lamang. Hindi rin lahat ay nangangaroling dahil lamang gusto nila ngunit dahil kailangan nilang kumita ng kahit kaunting barya. Hindi rin lahat ay nakapupunta sa mga Christmas parties at nakasasali sa palitan ng mga regalo sapagkat kailangan nilang maghigpit ng sinturon kahit kapaskuhan. Lalong hindi lahat ng kahilingan ay matutupad nang dahil lamang sa nakumpleto mo ang siyam na simbang gabi. May mga tao ring hindi pa nakararanas makatikim ng noche buena sa buong buhay nila o kung may nakahain man sa hapag na ubod ng sasarap, hindi naman buo ang kanilang pamilya.

Higit sa lahat, dapat malaman ng bata na ang Pasko ay ang araw ng ating paggunita sa pagsilang at pagsasakripisyo ni Hesus upang mailigtas ang sanlibutan mula sa kanilang mga kasalanan. Hindi lamang sa mga bagay na nabibili ng salapi umiikot ang tunay na kahulugan ng Pasko. Walang tutumbas na kulay, kinang, kasiyahan at kainan sa araw na ito kung hindi rin lamang isasapuso ng mga tao ang pagpapasalamat sa Maykapal, pagbibigayan, pag-unawa at pagkalinga sa isa’t isa.

Read more...

Literary: Continuously...

Life is like the water of a brook
It cannot be held firmly by hand
It moves continuously to its end
Forced by time to move.

Life is like a woman's song
It is sweet and glad, bitter and sad
It reaches its highest note
Then the melody slowly fades away.

Life is like a spider web
Made so beautifully by time
Unique and incomparable
But will break because of its fragility.

Life is like a name written in sand
So distinct at the first sight
Made to be seen and known
But is grasped by the tide anyhow.

And so life moves continuously
Continuously toward a stop
But what would life ever mean
If it never had an end?

By: Marie Begonia Cinco

Read more...

Literary: Continuously...

Life is like the water of a brook
It cannot be held firmly by hand
It moves continuously to its end
Forced by time to move.

Life is like a woman's song
It is sweet and glad, bitter and sad
It reaches its highest note
Then the melody slowly fades away.

Life is like a spider web
Made so beautifully by time
Unique and incomparable
But will break because of its fragility.

Life is like a name written in sand
So distinct at the first sight
Made to be seen and known
But is grasped by the tide anyhow.

And so life moves continuously
Continuously toward a stop
But what would life ever mean
If it never had an end?

By: Marie Begonia Cinco

Read more...

Filipino: Paglipas ng mga Unos: Bakit Dapat Ipagdiwang ang Pasko

Tanda. Malamig na simoy ng hangin. Mahahabang gabi. Kabi-kabilang mga Krismas sale. Pagsulpot ng mga tindahan ng puto bumbong, bibingka’t suman. Mga nagtataasang Krismas tri sa mga liwasang bayan. Makukulay na mga parol. Pagsasalimbayan ng mga awiting pamasko sa radyo’t telebisyon. Gabi-gabing karoling sa mga lansangan. Pagdagsa ng mga balikbayang Pinoy mula sa iba’t ibang panig ng mundo. 13th month pay ng mga kawani sa pribado at pamahalaang institusyon. Ang mga ito’y ilan lamang sa mga palasak na tanda na ang panahon ng kapaskuhan ay narito na.

Mga Luha At Hinagpis Sa Paanan Ng Krus. Sa pagdating ng mga buwang nagtatapos sa “er”, nagsisimula ng magbilang ng paurong ang karamihan hanggang sa araw ng pasko. Marami sa mga Pinoy ay unti-unti nang nagsusubi kahit maliit na halaga bilang paghahanda sa paskong kinasasabikan. Kasabay nito’y ang tahimik na paglalatag ng mga planong isakatuparan sa panahon ng pasko.
Sadyang mapagbiro ang buhay. Animo saranggolang napatid ang pisi at tinangay ng hangin ang mga magagandang balaking sana’y magpapasigla sa paskong darating. Sunud-sunod na dumating, nanalasa, nag-iwan ng malalagim na alaala sina Ondoy, Pepeng, Ramil, at Santi. Walang akma’t sapat na salita upang ilarawan ang napakapait, napakasakit, at napakalupit na mga karanasang nakaukit na sa puso’t isipan ng sambayanang Filipinong sinubok ng kaitaasan. Kaalinsabay ng malawakang pagbaha, di rin naiwasan ang pagbaha ng mapapait na luha; kasama ng mga bahay at sari saring ari-ariang inanod ng baha’y naanod din ang mga hibla ng pag-asa; lumubog sa tubig-baha ang mga pinagkukunan ng ikabubuhay sabay ng paglubog ng mga mumunting pangarap; gumuho ang lumambot na lupa sabay ng pagguho ng kaloobang nanghina; nalibing ng buhay ang marami kasama ng pagkakalibing ng tuwa’t sigla sa buhay; nawasak ang mga bagay-bagay na pinaghirapan sabay ng pagkawasak ng maraming buhay; at nabago ang lahat sa isang iglap. Isang pagbabagong hinog sa pilit. Isang pagbabagong binibindisyunan ng luha, inaalayan ng dusa’t hinagpis sa paanan ng krus na ibinaon sa putik.

Paghahanap sa Katuturan ng Pasko. Lumipas na ang mga sigwang nagdulot ng laksang bangungot sa ating bansa. Gayonman, bakas pa rin ang maiitim na peklat na sanhi ng malalalim na sugat na iniwan ng mga bagyong naminsala sa buhay at pamayanang Pinoy. Lubhang sariwa pa ang mga gunitang nabalot ng trahedya na patuloy na nagdudulot ng lungkot, hapdi’t kawalang sigla sa higit na nakararaming biktima. Kung sana’y madaling limutin ang lahat!

Sa pagsapit ng kapaskuhan, paano ba ito ipagdiriwang lalo na ng mga naging biktima ng mga bagyong nagdaan? May katuturan pa bang ipagdiwang ang pasko sa gitna ng masidhing kahirapan at matinding kawalan? Saan matatagpuan ang diwa ng kapaskuhan?

Lubhang may mabigat na dahilan ang mga biktimang kababayan natin upang ipagsawalang bahala ang pasko. Kung tutuusin, ito’y dagdag na sakit ng ulo’t alalahanin pa sa gitna ng nararanasang pagdarahop. Animo ito isang malakas na tadyak sa kanilang mukhang puspos pa ng dalamhati. Isa itong panglilibak sa kanilang kawalang kakayahang magdiwang at magsaya dala na rin ng kapaitang kanilang pinapasan. Ito’y panahon pa rin ng mahabang pananangis at pagluluksa sa pagkamatay ng mga taong mahal sa buhay kasama ng pag-asang nalibing na rin sa madilim na hukay. Ito’y panahon ng pananahimik, pagkukubli, paglayo, pagtalikod, pagpapaanod at pagsupil.

Ang dati ng maralitang pamumuhay, ang kainutilan ng sukab na pamahalaan, ang pagsasamantala ng mga masalapi’t makapangyarihan sa mga dukhang mangmang, ang pag-iral ng nabibiling hustisya, ang mailap na kapayapaan, ang kawalang integridad at delikadesa ng mga namumuno, ang patuloy na paglubog ng ekonomiya ng bansa, ang laganap na korapsyon, ang pamamayagpag ng krimen, ang pagsalaula sa kapaligiran at ang malawak na kapinsalaang dulot ng mga bagyong nagdaan ay sapat ng katuwiran upang ang higit na bilang ng mga Pinoy ay panawan na ng pag-asa sa buhay at iwaksi na ang tradisyon ng paggunita sa pagsilang ng Anak ng Lumikha.

Tuloy ang Pasko. Walang alinlangan na sa kabila ng matitinding dagok ng buhay sa ating lipunang Pinoy ang pagdiriwang ng pasko. Ano pa man ang masasaklap na mga pangyayaring gumiyagis sa ating mga buhay, ano pa man ang mga makadurog pusong kuwento ng panganib, takot, pangamba’t kabayanihan, ano pa man ang mga alaalang patuloy na tumatangging mabaon sa pusod ng paglimot, at ano pa man ang kulay, hugis at pulso ng bukas na haharapin matapos ang mga unos, nakahanda’t buong pananabik na naghihintay ang sambayanang nananalig sa bisa ng kapangyarihan ng pagsilang ng Diyos Anak upang hanguin sa madlang hirap at sakit ang lugmok na sambayanan.

Sino nga ba ang makapipigil sa pagdatal ng pasko? Ano nga ba ang makahahadlang upang ipagpaliban ang pasko? Paano tatakasan ang pasko? Bakit iiwasan ang pasko sa panahon ng pagdaralita?

Likas na matibay at matatag ang Pinoy. Subok sa hirap ng buhay. Subok sa hamon ng mapaglarong kapalaran. Subok sa gitna ng mga nag-uumpugang puwersang patuloy na humuhubog sa kanyang kamalayan at pagkatao. Subok sa pakikipagsapalaran sa kumpas ng tadhanang salawahan. Subok sa pananalig sa sariling kakayahan kahit ilang ulit masubsob at humalik sa alabok.

Magaling dumiskarte ang Pinoy. Di siya agad-agad sumusuko sa mga pagsubok. Mabilis siyang bumabangon sa bawat pagkadapa. Maagap siyang tumatayo sa sariling mga paa sa bawat pagkapatid. Mahinahon siyang humaharap sa katotohanang mabilis magpalaya sa kanya mula sa mga negatibong pananaw. Malakas at buo ang kalooban at dibdib sa paulit-ulit na pagbabalikwas mula sa kalagayang busabos. Marubdob sa tuwina ang pagpapahayag ng pagkilala sa Dakilang Lumikha sa bawat panahon ng hiram na buhay.

Ang dahan-dahang pagsisimula ng mga biktima ng mga sigwa sa pagharap sa buhay at ang unti-unting pagbangon ng ating bansa mula sa hagupit ng kalikasan at pandaigdigang resesyon ay malinaw na tanda ng pagbibigay ng puwang ng mga Pinoy sa pagdiriwang ng pasko.

Higit Kaylanman. Sa mga nagdaang panahon ng kalamidad, kusang gumitaw ang mga katangi-tanging pagpapahalaga ng mga Pinoy na lubos na pumukaw ng atensyon ng buong mundo. Hitik sa kuwento ng mga kabayanihan, pagmamahal, pagkakapatiran at pagbabahaginan. Nakakataba ng puso ang di mailarawang pagdadamayan ng sambayanang Pinoy sa kabila ng mga kalunus-lunos na tanawin ng kapighatian.

Sa pagsisimula ng panahon ng kapaskuhan, higit kaylanman ay ito ang angkop na pagkakataon upang ipagpatuloy ang nasimulang paglalaan ng oras, kakayahan, at munting yaman para sa mga kababayang higit na nangangailangan. Di naging mahirap gawin ang kusang loob na pagtulong sa kapwa noong mga sandali ng trahedya. Kung gayon, higit na madaling isakatuparan ang pagbabahagi ng pag-ibig sa kapwa ngayong kapaskuhan yamang pag-ibig ang pinakaugat ng pagkakaroon ng pasko. Ang pasko’y paghahandog ng sarili sa Diyos sa pamamagitan ng kapwa sa paraang buung-buo, maalab, matimyas, mababang-loob, malinis, matamis at mapagmalasakit.

Taglay ng pasko ang isang panghalinang di kumukupas at kusang bumibihag sa madla. Sapat na ang panghalinang ito upang makapagsabog ng sanlibong tuwa’t galak sa buhay ng maraming naghihikahos ng Pinoy. Totoong mababaw ang kaligayahan ng masang Pinoy. Sa konting biyayang ipagkaloob sa kanila’y masaya na sila.

Isang bukas na paanyaya ang kapaskuhang ito para sa ating lahat na may kakayahang magpadama ng pagkalinga’t pagmamahal sa kapwa sa abot ng sariling kapasyahan. Ating gamitin ang okasyong ito upang ipagbantog ang tunay na diwa ng pagparito ng Anak ng Diyos.

Ating gunitain ang unang pagdiriwang ng pasko. Di naging madali kina Jose at Maria ang pagsasakatuparan ng dakilang plano ng Diyos para sa sangkatauhan. Lipos ng karalitaan at hirap, naging masunurin silang mga kasangkapan na walang inisip kundi sundin ang kalooban ng Lumikha. At maging ang sanggol na isinilang ni Maria’y nagdanas ng ganap na karukhaan sa isang abang sabsaban upang ipakita ng Diyos Anak ang kanyang pakikiisa’t pakikiramay sa lahat ng nagsasalat sa buhay. Sa gitna ng gayong dukhang tanawin, and sanggol ay panatag na nahihimlay pagkat nasa paligid Niya ang tunay na kaligayahan at kayamanan---ang kanyang pamilya.

Higit kaylanman, marapat nating ipagdiwang ang kapaskuhan pagkat ang sanggol na si Emmanuel ay walang sawang nagpapaalaala sa ating lahat na “ang Diyos ay nasa atin tuwina”. Ano man ang dumating sa ating mga buhay, ang Diyos ay nasa piling natin. Ano man ang mangyari ngayon at sa hinaharap, ang Diyos ay kasangga natin. Ano man ang pinagdaanang pagsubok sa buhay sa taong ito, ang Diyos ay kaagapay natin.

Kabayan! Sindihan ang parol at dalawin ang dakilang sanggol sa belen! O Berbong nagkatawang tao, bawiin ang hamog na nasa aming paligid, gisingin sa pagkahimlay ang aming pananalig!


ni Elmer C. Hibek

Read more...

About This Blog

Blog Archive

  © Blogger template Webnolia by Ourblogtemplates.com 2009

Back to TOP